Noong bata pa ako, sinasabihan ako ng matatanda na huwag uupo sa mainit na upuan o sahig, at baka ma-balisawsaw ako. At hindi nga biro ang balisawsaw —masakit, nakakairita at istorbo dahil maya’t maya ay naiihi ka. Mayroon bang gamot sa balisawsaw?
Alamin sa article na ito kung bakit nga ba tayo binabalisawsaw at ano ang gamot rito.
Mga dapat mong malaman tungkol sa BalisawsawBalisawsaw in english: Dysuria | Image from iStock
Ang balisawsaw ay tinatawag na dysuria in English na siya ring medical term nito. Tinatawag na balisawsaw ng mga Pilipino ang pakiramdam na mahapdi o kumikirot ang pag-ihi, at parang hindi ka mapakali dahil masakit at parang palagi kang naiihi. Pero minsan naman ay walang lumalabas
Mas karaniwan daw ito sa mga babae kaysa sa lalaki, at kung nangyayari man sa lalaki, nangyayari ito sa mga mas matanda kaysa bata.
Maraming nakakaranas ng madalas na pag-ihi. Kung tinatawag na dysuria in English ang balisawsaw, kapag lagpas ng 3 litro kada araw ang ihi, tinatawag naman itong polyuria.
Magkaiba ang madalas na pag-ihi o balisawsaw sa tinatawag na urinary incontinence, kung saan nakakaranas na ng paglabas ng ihi nang walang anumang kontrol o hindi namamalayan.
Madalas din na ang balisawsaw ay maaaring sintomas ng mas malalang kondisyon. Ang maagang diagnosis at paggamot nito ay makakatulong na makaiwas sa anumang delikadong kahihinatnan o komplikasyon.
Ano nga ba ang sanhi ng balisawsaw?Narito ang ilan sa mga sanhi ng balisawsaw na dapat mong malaman:
1. ImpeksiyonIsa sa pinakakaraniwang sanhi ay urinary tract infection (UTI), lalo sa mga babae. Pumapasok ang bacteria sa bladder papunta sa urethra at nagkakaron ng impeksiyon. Maaaring may impeksiyon sa kidney, bladder, o urethra, kaya masakit ang pag-ihi.
Maaaring sanhi din ito ng vaginal infection, tulad ng yeast infection, kaya naman ay vaginosis na may kasamang mabahong amoy at discharge.
Mayroon ding sexually transmitted infections tulad ng genital herpes, chlamydia, at gonorrhea, na bukod sa makirot na pag-ihi ay may kasamang pangangati, hapdi at sugat.
2. PamamagaIto ay dahil sa bato sa urinary tract, pagkairita ng urethra dahil sa pakikipagtalik, interstitial cystitis na sanhi ng pamamaga ng bladder, mga sintomas ng menopause, sensitibong ari dahil sa paggamit ng mabangong sabon, toilet paper, o douche at spermicide, mga aktibong gawain tulad ng pagbibisikleta o pangangabayo.
3. Overactive na bladderAyon sa mga urologists ng Mayo Clinic, ang pag-ihi ng 8 beses pataas sa loob ng 24 na oras ay matuturing na “frequent urination”.
May naitalang kaso ng overactive bladder sa Amerika pa lamang na nasa halos 33 milyon, na inilathala ng American Urological Association, o 40% ng kababaihan sa United States.
Ang sakit na diabetes ay maaari ring sanhi ng madalas na pag-ihi. Nariyan din ang labis na pag-inom ng caffeine, nicotine, artificial sweeteners, at alcohol na maaaring makairita sa bladder, at makapagpalala sa mga sintomas ng madalas na pag-ihi.
4. Ibang sakitMay ilang mga sakit din na nagiging sanhi ng aktibong bladder at madalas na pag-ihi. Nariyan ang mga kondisyong nakakaapekto sa muscles, nerves, at tissues, tulad ng stroke o multiple sclerosis (MS), at estrogen deficiency dahil sa menopause.
Maaari ring sanhi ng balisawsaw ang labis na bigat ng timbang at tumor sa urinary tract. Gayundin ang side effects ng ilang gamot, medikasyon o supplements.
Ilang sintomas na karaniwang kasama ng madalas na pag-ihi o pakiramdam na naiihi ay: lagnat abnormal discharge labis na pananakit ng ari pero hindi tuluy-tuloy ang ihi ay patak-patak lang o minsan ay marami may hapdi o kirot sa paglabas ng ihi. may matinding amoy ang ihi masakit ang lower abdomen at lower back malabo ang ihi o may dugong kasama labis na giniginaw ang pagkahilo hindi makontrol ang paglabas ng ihi. Sino ang karaniwang naaapektuhan ng balisawsawAng mga kalalakihan at kababaihan sa anumang edad ay maaaring makaranas ng masakit na pag-ihi. Ito ay mas karaniwan sa mga kababaihan.
Ang mga impeksyon sa daanan ng ihi (urinary tract infections, UTI) ay karaniwang nauugnay sa dysuria. Ang mga UTI ay nangyayari sa mas maraming kababaihan kaysa sa mga lalaki.
May mas mataas din ang risk na magkaranas ng balisawsaw ang:
Buntis na babae. Mga lalaki at babae na may diabetes. Mga kalalakihan at kababaihan na may anumang uri ng sakit sa pantog. Paano nasusuri ang balisawsaw?Upang masuri ang iyong sakit, susuriin muna ng doktor ang iyong medical history. Posibleng itanong sa iyo ang kasalukuyan at nakaraang mga kondisyong medikal. Halimbawa ay kung ikaw ay may diabetes mellitus o mga sakit sa immunodeficiency.
Maaari rin magtanong ang doktor tungkol sa iyong sexual history upang matukoy kung maaaring STI ang sanhi ng sakit.
Puwedeng kailanganin ding sumailalaim ka sa screening para sa mga STI, lalo na kung mayroong discharge na lumalabas sa ari ng babae man o lalaki. Kung ika’y isang babae na nasa edad na ng panganganak, maaaring magsagawa ng pregnancy test.
Tatanungin ka rin ng iyong doktor sa iyong mga kasalukuyang sintomas at kukuha ng malinis na sample ng iyong ihi. Susuriin red blood cells, white blood cells, at foreign chemicals sa iyong ihi.
Ang pagkakaroon ng mga white blood cell sa ihi ay senyales ng pamamaga sa iyong urinary tract. Ang impormasyong ito ay mahalaga para matulungan ang iyong doktor na pumili ng antibiotic na pinakamahusay na panggamot laban sa bacteria.
Kung walang makikitang senyales ng impeksyon sa sample ng iyong ihi, maaaring magmungkahi ang iyong doktor ng mga karagdagang pagsusuri. Para sa mga lalaki, puwedeng sumalilalam sa proseso kung saan titingnan ang iyong pantog o prostate.
Sa mga babae naman, maaaring kumuha ng swab sample ng lining ng iyong ari o ng urethra upang suriin kung may mga senyales ng impeksyon (sa mga babae).
Mga palatandaan na ikaw ay binabalisawsawAng balisawsaw o dysuria in English ay hindi isang sakit. Ito ay isang sintomas ng iba pang problemang pangkalusugan na maaaring hindi mo pa nalalaman o napatitingnan sa doktor.
Puwede itong sanhi ng mga simpleng sakit lang. Ngunit maaari ding bunsod ng isang malalang impeksyon na kailangan ng agarang lunas. Walang specific na gamot sa balisawsaw. Dahil nga isa itong sintomas, mahalaga na malaman kung ano ang pinagmumulan nito upang ito ay malapatan ng tamang gamot.
Bagamat ito’y sintomas, maaari mo itong mabantayan at matukoy. May mga palatandaan o senyales na magsasabi sayo na ikaw ay nakararanas na ng balisawsaw.
Kung ikaw ay nakakaramdam ng pag kaihi nang hihigit o dadalas sa apat hanggang walong beses sa isang araw, mataas ang posibilidad na binabalisawsaw ka.
Maraming puwedeng dahilan kung bakit ka ihi nang ihi. Maaaring dahil sa temperatura lalo na kung malamig ang panahon o maulan. Kadalasang tinatanong din ng mga espesyalista kung ikaw ba ay may mga gamot na iniinom.
Nakaapekto din kasi ang gamot sa dalas mong pag-ihi. Dahil mas aktibong nasasala ang iyong dugo mula sa mga gamot na ito. Madalas din na dahil sa dami lang ng iniinom na tubig sa maghapon.
Mas dumami ba at dumalas ang pag-inom mo kumpara sa dati mong ginagawa? Ikaw ba’y umminom ng alak o kape? Ilan lamang ito sa mga natural na dahilan kung bakit ka nakakaranas ng mas madalas na pag-ihi.
May ilang mga sintomas naman na dapat pagtuunan ng atensyon. Dahil kung ang madalas na pag-ihi ay sinasamahan na ng pananakit o paghapdi, maaaring sintomas ito ng mas malalang sakit.Magkakaiba man ng mga sintomas na nararanasan kung minsan, ngunit iisa ang mga babae at lalaki sa pagdetalye ng kanilang mga nararamdaman tuwing dumaranas ng balisawsaw.
Kadalasang mahapdi, makati at parang mainit ang pakiramdam tuwing umiihi. Nararanasan ang mga sintomas na ito ng parehong kasarian bago o pagkatapos na umihi.
Kung masakit ang ihi sa simula, maaaring ito ay dahil sa UTI. Kung sumasakit naman pagkatapos, palatandaan ito ng problema sa iyong pantog o sa prostate ng mga kalalakihan. Nakararanas din ang mga lalaki ng pananakit hanggang sa kanilang mga ari.
Ang mga kababaihan naman ay maaaring makaramdam ng pananakit sa loob o sa labas ng kanilang ari. Kung masakit o mahapdi sa loob, maaaring ito ay UTI. Kung sa bandang labas ng ari ay maaaring dahil sa irritation o impeksyon.
Importanteng magpatingin agad sa espesyalista kung tumagal o tumindi ang mga nararanasang sintomas na ito. Pag-aralan din ang sarili at obserbahan ang iyong pag-inom sa maghapon. Sa ganitong paraan mo madaling matutukoy ang tamang pag gamot sa mga sintomas ng balisawsaw.
Gamot sa balisawsawKahit parang simpleng sakit lang ang balisawsaw, kailangan ang masusing pagtingin at ekpertong paggamot ng doktor. Ano nga nga ang mga gamot sa balisawsaw?
May mga lab tests at physical exam para matukoy ng urologists, mga espesyalista sa urinary system, ang sanhi at mga sintomas ng balisawsaw.
Pagkatapos ng lab tests, saka pa lang ito magagamot. Una na rito ang urine test, ayon sa WebMD Journals, na pinagtibay ni Dr. Jennifer Robinson, MD.
Kailangang malaman kung gaano kadalas at kung gaano karami sa bawat pag-ihi. Gayundin kung may kulay (o dugo) ang ihi, at kung anong klaseng sakit ang nararamdaman sa tuwina.
Ang gamot sa balisawsaw ay depende sa sanhi o sintomas. Ayon kay Dr. Arsenio Meru, MD, isang general physician, ang unang pagtutuunan ng pansin ay ang pangunahing sakit na dahilan ng madalas at masakit na pag-ihi. Kung impeksiyon, halimbawa ang pangunahing sakit, antibiotics ang ibibigay na gamot sa balisawsaw.
Samantala, may mga lunas sa balisawsaw rin para sa pag-kontrol ng muscle spasms sa bladder, ayon sa WebMD.
Mga natural at traditional balisawsaw home remedyPara makatulong sa mabilis na paggaling at paghupa ng sakit, may mga maaaring gawin kasabay ng medikal na paggamot na pinayo ng urologist. May quick mga home remedy para sa balisawsaw na maaari mong subukan bilang gamot.
Narito ang ilang ligtas na quick balisawsaw remedy:
1. Uminom ng maraming tubigGamot sa balisawsaw | Image from Freepik
Higit 8 baso sa isang araw, juice ng buko at cranberry, at ibang inumin tulad nito para mahugasan ang impeksiyon sa ihi, payo ni Dr. Jen Cruz, doktor ng family medicine. Uminom lang lagi ng maraming tubig moms and dads!
2. Umiwas sa mga pagkain o inumin na nakakapagpalala o nagdudulot ng balisawsawKatulad ng alak, citrus juice, kape, tsaa, kamatis at mga pagkaing may kamatis (tulad ng pasta na may tomato sauce, kaldereta, mechado, atbp.), at artificial sweeteners.
Dagdagan din ang pagkain ng fiber, lalo kung hirap dumumi, dahil ang constipation ay isang sanhi ng madalas na pag-ihi. Iwasan din ang mga inuming may kemikal tulad ng softdrinks. Kasama na rito ang pag-iwas sa pagkaing maaalat.
3. Kegel pelvic exerciseAlamin ang tamang Kegel pelvic exercise, para maging matibay ang pelvic floor, at mas makontrol ang pag-ihi.
4. Pagiging malinisSiguraduhing hugasan ang ari pagkatapos umihi, at magpalit ng underwear at salawal kung nakikitang madumi na ito, para makaiwas sa masamang bacteria.
Sa mga babae, huwag gumamit ng sabong panligo, lalo na iyong masyadong mabango. Sa halip, gumamit ng feminine wash sa tuwing maghuhugas.
5. Mag-ehersisyoMaglakad-lakad, tumakbo, at magbisikleta para maging maayos ang pagdaloy ng tubig at dugo sa katawan, payo ni Dr. Jen.
6. AcupunctureLahat ng kailangan mong malaman tungkol sa Balisawsaw | Image from Unsplash
May mga naniniwala din sa acupuncture, ang tradisyonal na paggamot ng mga Chinese. May mga paraan ng acupuncture para magamot ang overactive bladder at balisawsaw.
Bagama’t hindi ito lubusang pinapagtibay ng Western Medicine, maraming nagpapatunay na ito ay nakakagamot ng anumang sakit, kasama na ang balisawsaw.
Ayon sa British Medical Journal, mayrong kasalukuyang scientific review na nakatuon sa pagpapatunay kung epektibo nga ang acupuncture.
Mga sakit na dapat bantayan kung ikaw ay madalas na binabalisawsawMadalas ay kusang nawawala ang balisawsaw kung natural ang pinagmumulan nito. Kung dahil lang sa malamig na panahon o sobrang pag inom ng tubig sa maghapon.
Minsan naman ay dahil sa sobrang intimate na pakikipagtalik. Kadalasang nalulunasan ang mga sintomas nito ng mga quick home remedy para sa balisawsaw.
Makatutulong din ang cold compress para maibsan ang pananakit o paghapdi na dulot ng balisawsaw. Helpful ang cold compress para sa balisawsaw lalo na kung tila nakararamdam ng pagsakit ng puson. Simple lang ang gamot kung simple lang ang rason kung bakit may balisawsaw.
Ngunit hindi ito ang palaging sitwasyon. May mga pagkakataong ang balisawsaw ay sanhi ng isang karamdaman na dapat matutukan ng espesyalista. Kung mapapabayaan ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at buhay.
Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod: Cystitis o impeksyon sa pantog Impeksyon sa ari ng babae Endometritis, Diverticulosis at Diverticulitis Urethritis o pamamaga ng pantog o urethra Prostate Disease Kidney Disease Sexually Transmitted Infections CancerKung nakakaranas ng ibang sintomas at alam mong hindi na normal, ‘wag matakot na magpakonsulta sa doktor upang masuri ang nararamdamang kalagayan.
Ilang mga tips para iwas balisawsawSa pangkalahatan, maiiwasan lamang ang pagkakaroon ng balisawsaw kung iingatan at palulusugin ang katawan. Ang mga sakit na nagdudulot ng balisawsaw ay madaling iwasan sa pamamagitan ng tamang pagkain at ehersisyo. Kung ikaw naman ay may mga existing medical condition, laging sumunod sa payo ng iyong doctor. ‘Wag mag papabaya sa gamutan at ‘wag gawin ang mga bawal.
Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga epektibong tips para iwas balisawsaw at maiwasan din ang mga sakit na nagdudulot nito:
Uminom ng maraming tubig sa loob ng mag hapon. Inirerekomenda ang walo hanggang sampung basong tubig. Ugaliing umihi bago matulog at tuwing pagkatapos makipagtalik. Iwasang magpigil ng ihi nang matagal Good hygiene lalong-lalo na sa iyong private parts.Hindi man ang ito garantiya na hindi ka na mababalisawsaw ngunit makatutulong ito upang hindi mauwi sa malalang gamutan ang mga sintomas na iyong nararanasan. Pinakamainam na magpatingin sa doktor upang mabigyan ng tamang gamot ang iyong balisawsaw.
Karagdagang ulat mula kay Margaux Dolores at Jobelle Macayan
Harvard Health, WebMD, Mayo Clinic, Cleveland Clinic, Medical News Today, eMedicine Health
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.