Quantcast
Channel: theAsianparent Philippines: Your Guide to Pregnancy, Baby & Raising Kids
Viewing all articles
Browse latest Browse all 5198

Home remedy sa sipon: Subukan ang 7 tips na ito

$
0
0

Nagkakaubusan na ang mga gamot sa botika? Kailangan mo ba ng gamot para sa sipon? Narito ang ilang home remedy sa sipon na pwede mong subukan.

Mababasa sa artikulong ito:

Ano ang sipon at ano ang mga sintomas nito? Paano maiiwasan ang sipon? Paano gamutin ang sipon sa loob ng bahay?

Noon, binabalewala lang natin ang sipon. Kadalasan ay hindi naman natin ito iniinda at umaasa tayo na kusa lang itong mawawala. Subalit iba na ang panahon ngayon.

Napakaraming nagkakasakit, at ang mistulang simpleng sipon lang ay maaari na palang maging sintomas ng mas malalang sakit, gaya ng Covid-19.

Mas nakakatakot lalo para sa mga bata na hindi pa nakakatanggap ng bakuna para sa sakit na ito. Kaya naman humahanap ka agad ng paraan kung paano mawala o kung ano ang gamot sa sipon ng iyong anak, at bawat miyembro ng pamilya.

Pero dahil nga sa panahon at dami rin ng nagkakasakit ngayon, nagkakaubusan ang mga gamot sa sipon sa mga botika. Bukod sa mga nirereseta ng iyong doktor, paano ba matanggal ang sipon habang nananatili sa loob ng bahay? Ano ba ang mabisang gamot sa sipon?

Bago natin malaman ang sagot, alamin muna natin kung ano ang sipon at mga karaniwang sintomas nito.

Sipon at mga sintomas nito

Ang sipon ay isang nakakahawang sakit na unang tumatama sa ating upper respiratory tract o ilong at lalamunan.

Bagama’t hindi naman ito malalang uri ng sakit, ang pagkakaroon ng sipon ay nakakapagdulot pa rin ng hirap at iritasyon sa mga taong mayroon nito.

Narito ang ilan sa mga sintomas na maaari mong maramdaman:

Mucus na tumutulo galing sa ilong Pananakit ng lalamunan Pagkakaroon ng ubo Pagluluha ng mga mata Hirap sa paghinga Sakit ng ulo o katawan Madalas na pagbahing Mababang lagnat o sinat

Mabisang gamot sa sipon | Image from Freepik

Maaaring sanhi ng sipon

Isa sa mga pwedeng dahilan kung bakit nagkakasipon ang isang tao ay dahil sa pagbabago ng klima o panahon.

Pero ang pinakakaraniwang sanhi ng sipon lalo na sa mga bata ay ang rhinoviruses. Ito ang tawag sa mga virus na maaaring pumasok sa ating katawan sa pamamagitan ng ating mata, ilong at bibig.

Halimbawa, kung bumahing o umubo ang isang taong may sipon at wala siyang suot na mask, maaaring pumasok ang droplets ng virus sa mata, ilong o bibig ng mga tao sa paligid niya at mahawa na sila ng sipon.

Maaari ring maipasa ang virus sa pamamagitan ng hand-to-hand contact. Kapag humawak ka sa isang bagay na mayroon droplets ng virus, pagkatapos ay hinawakan mo ang iyong mata, ilong o bibig, pwede ka ring mahawa ng sipon.

Ang mga batang may edad na 6 pababa, mga naninigarilyo at mga taong may mahihinang immune system ang kadalasang tinatamaan ng sakit na ito.

Ang sipon ay maaari ring maging sintomas ng isang mas malubhang sakit o pwede ring dahil sa allergy. Kung may allergy magandang umiwas sa mga nagpapa-trigger ng allergy upang maiwasan ang pagkakaroon ng sipon.

Home remedy para sa sipon

Ano nga ba ang mabisang gamot sa sipon? Ayon sa Mayo Clinic, wala talagang mabisang gamot para sa sipon, subalit may mga paraang maaaring gawin para maibsan ang mga sintomas at maging mas mabilis ang iyong paggaling.

1. Uminom ng maraming tubig

The best sipon remedy pa rin ang pag-inom ng maraming tubig. Ang pagiging hydrated o pagkakaroon ng sapat na tubig sa katawan ay nakakatulong para mawala ang pagbabara sa iyong upper respiratory tract at mailabas agad ang virus.

Uminom ng walong basong tubig o kahit mga fruit juice o kaya tubig na may slice ng lemon araw-araw. Iwasan naman ang pag-inom ng caffeinated drinks gaya ng kape, tsaa o soda.

Tandaan na mahalaga ang pag-inom ng sapat na tubig araw-araw para na rin sa kalusugan natin, may sipon man o wala.

2. Kumuha ng sapat na tulog at pahinga

Ayon kay Professor Aric Parther ng University of California, ang pagkakaroon ng sapat na tulog ay napakaimportante hindi lamang para gumaling mula sa sipon, kundi pati na rin sa ating kalusugan sa kabuuan.

Patunay nga rito ang isang pag-aaral na isinagawa ni Prof. Parther at ng kaniyang mga kasama noong 2013.

Sa pag-aaral na kanilang ginawa, sinubaybayan nila ang pagtulog at sleep pattern ng 164 na tao matapos magkaroon ng sipon at ma-quarantine sa isang hotel.

Dito, napag-alaman nila na ang mga taong nakakuha ng tulog na mababa sa anim na oras ay mas madaling magkasipon kumpara sa mga natutulog ng higit sa pitong oras.

Inatake ng virus ang iyong katawan sa pamamagitan ng pagpapababa ng iyong immune system, kaya kailangan nito ng sapat na pahinga para makabawi at muli itong lumakas.

Kaya naman matulog ng sapat na oras, kung nahihirapang matulog maaari kang magbasa ng mga libro o kaya naman sa umaga ay mag-ehersiyo para pagdating sa gabi ay madali ka na lang makakatulog. o kaya naman basahin ang artikulong ito upang mabilis makatulog, Hirap makatulog? 7 tips para mabilis makatulog.

BASAHIN:

10 produkto na pang sipsip ng sipon ng baby at paano ito gagamitin

Trangkaso: Sanhi, sintomas, at gamot para sa flu

#AskDok: Ano ang gamot para sa baradong ilong ng mga bata dahil sa sipon?

Mabisang gamot sa sipon | Image from Unsplash

3. Alamin ang paraan ng tamang pagsinga

Ayon sa WebMD, ang mga sintomas na nararanasan mo kapag sinisipon ay isang paraan ng katawan na labanan ang mga virus. Pero paano naman ang sipon na ayaw lumabas?

Para maalis ang baradong ilong, ugaliin ang madalas na pagsinga. Importante ito para mailabas ang mucus na nananatili sa iyong ulo.

Pero siguruhing tama ang paraan ng iyong pagsinga. Dahil kung masyadong malakas, ibinabalik lang ng pressure ang plema sa iyong ear passages, na nagiging sanhi ng pagsakit ng tenga.

Ganito ang tamang paraan ng pagsinga: gamit ang iyong daliri, pindutin ang isang butas ng iyong ilong, habang dahan-dahang sumisinga sa kabila.

Para naman sa maliliit na batang hindi pa kayang suminga, nakakatulong ang nasal irrigation o ang paggamit ng saline solution sa kanilang mga ilong para lumuwag ang kanilang paghinga. Ang paggamit ng saline solution o nasal spray ay mabisang gamot sa sipon na ayaw lumabas o gamot sa tuyong sipon.

4. Magmumog ng maligamgam na tubig at asin

Magmumog ng isang basong maligamgam na tubig na may kasamang kalahating kutsarang asin. Nakakatulong daw ito para mawala ang pangangati o pananakit ng lalamunan.

Nakakabawas din ito sa pagbabara ng iyong ilong dahil nailalabas nito ang plema na may lamang bacteria. Gawin ito ng dalawang beses sa isang araw o pwede ring tatlong beses sa isang araw, umaga, tanghali, at gabi.

5. Humigop ng mainit na sabaw

Hindi lang sa malamig na panahon masarap ang mainit na sabaw – pati rin tuwing may sakit gaya ng sipon.

Bakit nga ba nakakagaan ng pakiramdam ang paghigop ng mainit na sabaw kapag may sipon? Gaya ng pag-inom ng tubig, ang paghigop ng mainit na sabaw ay nakakatulong rin para mailabas ang mucus o plema na naiipon sa iyong upper respiratory tract.

Ayon rin sa isang pag-aaral, ang pagkain ng mainit na chicken soup kapag may sakit ay nakakapagpabagal ng galaw ng neutrophils sa ating katawan.

Ang neutrophil ay isang white blood cell na pumoprotekta sa ating katawan laban sa impeksyon. Kapag mabagal ang galaw ng neutrophils, ang ibig sabihin ay nagtatagal ito sa mga bahagi ng katawan na kailangang gumaling.

Kaya naman maaari ring subukan ito upang maibsan at mawala ang sipon.

6. Gumamit ng air humidifier

Para lumuwag ang paghinga at mawala ang bara sa ilong, maglagay ng air humidifier sa iyong kwarto. Nakakatulong din ito para maiwasan ang mabilis na pagkalat ng virus sa inyong tahanan. Siguruhin lang na papalitan ang tubig sa air humidifier bawat araw.

Kung wala namang air humidifier, subukang maligo gamit ang mainit na tubig habang nakasara ang pinto. Ito ay upang malanghap ang mainit na singaw ng tubig na nakakapagpaluwag ng iyong paghinga at nagbibigay ng ginhawa.

Mabisang gamot sa sipon | Image from Freepik

7. Kumain ng mga pagkaing lumalaban sa impeksyon

Isa sa mga natural na paraan ng paglaban sa sipon ay ang tamang nutrisyon.

Habang may sakit, ugaliing kumain ng mga prutas at gulay na mayaman sa Vitamin C gaya ng orange, lemon at calamansi (pwedeng gawing juice), sili o malunggay.

Maaari ring gumawa ng tsaa gamit ang mga halamang gamot tulad ng bawang, luya, at dahon ng oregano.

Gayundin, subukan ang mga pagkaing may sangkap na lumalaban sa impeksyon at nagpapalakas ng immune system gaya ng sibuyas at yogurt.

Dito sa theAsianparent, naniniwala kami na kapag mayroong sakit, lalo na sa mga bata, ang pinakamainam na gawin ay kumonsulta sa isang doktor. Ang home remedies ay maaring makatulong na maibsan ang sintomas ng sakit, pero hindi ito pwedeng gawing pamalit sa gamot na nireseta ng inyong doktor.

Kailan dapat pumunta sa doktor?

Bagama’t maraming paraan para maibsan ang mga sintomas ng sipon. Mayroong mga pagkakataon na nangangailangan na ito ng medikal na atensyon.

Kapag tumagal nang higit sa sampung araw ang sipon na may kasamang ibang sintomas gaya lagnat at sakit sa lalamunan, dapat ka nang pumunta sa iyong doktor. Maaaring sanhi na ito ng bacterial infection o kaya naman viral infection.

Agad namang tumungo sa ospital kapag nakaramdam ka ng paninikip ng dibdib, nahihirapan kang huminga, nagsusuka at nanghihina. Baka kasi mauwi ito sa pneumonia o kaya sintomas na ito ng mas malalang sakit.

Tandaan: Habang ginagamot mo ang iyong sipon sa loob ng bahay, ugaliing magsuot ng mask at maghugas ng kamay para maiwasan ang pagkalat ng virus. Mainam din na ihiwalay muna ang mga ginamit mong pinggan, baso, kutsara at iba pa para hindi na makahawa pa ng iba.

Higit sa lahat, huwag kalimutang makipag-ugnayan sa inyong doktor habang ginagamot mo ang iyong sipon sa loob ng bahay para mabigyan ka ng payo kung anong gamot sa sipon ang dapat mong gawin o inumin. Kapag mayroon kang katanungan tungkol sa mga sintomas na iyong nararamdaman, huwag mahiyang tumawag sa inyong doktor.

Mayo Clinic, WebMD, The Guardian, Healthline

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 5198

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>