Taong 2011, naipatupad na rin ang matagal na ring pinaplanong pagbabago sa progrmang pang-Edukasyon ng Department of Education (DepEd) sa Pilipinas na tinatawag na K to 12 Program.
Gamit ang programa ng mga kanluraning bansa bilang modelo, ang bagong learning scheme na ito ay ang K to 12 basic education program. Maraming miyembro ng Akademiya, mga estudyante at mga magulang ang unang tumatanggi sa pagbabagong ito kahit noon pa lamang iminumungkahi ito. Para sa mga magulang at mga estudyante, dagdag gastos ito dahil tatagal ang ilalagi ng isang bata sa eskwelahan. Para sa mga administrador ng mga paaralan, napakalaki at napakalalim ng kakailanganing reporma at pagsasaliksik para matugunan ang requirements ng K to 12 program. Sa kabila ng mga pagtutol at pag-aagamagam, naituloy rin ang mahalagang pagbabagong it sa Philippine education.
K to 12 Program
Ang DepEd ay nagpapatupad at namamahala ng edukasyong K to 12 simula nang pormal itong itinalaga noong 2013. Sila ang may eksklusibong pamamahala sa mga pampublikong paaralan, at regulasyon para sa pribadong paaralan. Mula sa 10 taong basic na edukasyon—6 na taon sa elementarya at 4 na taon para sa high school—mula taong 1945 hanggang 2011, ang implementasyon ng programang K–12 ng DepEd at kasunod na ratipikasyon ng Kindergarten Education Act ng 2012 at Enhanced Basic Education Act ng 2013, naging 13 taon na ang basic education ngayon. Isang taon ang para sa kindergarten, 6 na taon para sa elementarya, 4 na taon para sa junior high school at 2 taon para sa senior high school, para sa mga mag-aaral mula edad na 5 hanggang 17 taong gulang. Nitong 2017 lamang naisapatupad ang implementasyon ng Grade 12.
Bakit nga ba itinulak ng pamunuan ng DepEd ang K to 12 curriculum?
Ayon sa pamunuan ng DepEd, dumaan sa masusing pag-aaral ang pagbabagong ito sa programa ng edukasyon sa Pilipinas. Sinasabing isa sa mga kabutihan na dulot nito ay ang pagbibigay ng pagkakataon para sa mga estudyante na mahasa sa mga iba’t ibang larangan ng espesiyalisasyon tulad na lang ng animation.
Ang pag-aaral sa kindergarten at 12 taon ng basic education ay layong magbigay ng sapat na panahon para mas matutunan at mapaghusay ng mga mag-aaral ang mga konsepto at skills na kinakailangan para sa tertiary education o kolehiyo at unibersidad, pati na sa pagtatrabaho at pagnenegosyo.
Ayon sa DepEd, ang Pilipinas ang huli sa mga bansa sa Asya na nagpapatupad pa ng 10-taong basic education. Ang 13 taong programa ay sinasabing pinakamabisang haba ng panahon para lalong mapaigting ang pagkatuto ng mga bata. Ganito na rin kasi ang programa sa mga bansang maunlad sa buong mundo.
Ang K to 12 program ay nahahati sa Kindergarten, Primary Education, Junior High School, at Senior High School.
Ano nga ba ang kabutihang dulot ng bagong sistemang ito?
Una, pinapatibay at pinapahalagahan ang Early Childhood Education sa Kindergarten. Ang unang 6 na taon ng isang bata ay ang mga kritikal na taon para sa brain development.
Ikalawa, idinagdag sa curriculum ang makabuluhang life lessons tulad ng pagbubukas ng diskusyon at pag-aaral tungkol sa Disaster Risk Reduction, Climate Change Adaptation, at Information & Communication Technology (ICT), na sadyang mahalaga sa mga mag-aaral na Pilipino.
Ikatlo, may integrasyon at Seamless Learning o Spiral Progression—ang pag-uulit ng pag-aaral ng mga konsepto at aralin mula pinakasimple hanggang sa pinakakomplikado, sa bawat grado o baitang. Inaayon ito sa edad ng mga mag-aaral, kaya’t higit na naiintindihan at naaalala ang bawat aralin.
Ika-apat, itinuturo ang mga aralin gamit ang sariling wika, o tinatawag na Mother Tongue-Based Multilingual Education sa unang 3 baitang, bago ituro ang ikalawang wika tulad ng English. May 12 mother tongue languages na sinimulang gamitin sa pagtuturo noong 2012-2013: Bicolano, Cebuano, Chavacano, Hiligaynon, Ilokano, Kapampangan, Maguindanaoan, Maranao, Pangasinense, Tagalog, Tausug at Waray. Idinagdag din ang Aklanon, Ibanag, Ivatan, Kinaray-a, Sambal, Surigaonon at Yakan ng sumunod na taon.
Ika-lima, may pitong learning areas at tatlong specialization na maaaring pagpilian ang mga mag-aaral para sa senior high school, ang 2 taon ng specialized upper secondary education. Ang Core curriculum learning areas ay languages, literature, communication, mathematics, philosophy, natural sciences at social sciences.
Ika-anim, itinuturo ang information, media at technology skills, learning at innovation skills, communication skills at life at career skills, para lumaking handa sa lahat ng pagsubok lalo na bilang isang adult.
Ang nabago sa High School o Sekondaryang Aralin
Junior High School ang tawag sa dating 4 na taon ng high school. Ang Senior High School naman ang ika-11 at ika-12 taon, na naghahanda sa mga kabataan para sa kanilang pagtatrabaho. Ito ang specialized upper secondary education, na base sa kakayahan at interes ng isang mag-aaral.
Maaari na silang mag-apply ng TESDA Certificates of Competency (COCs) at National Certificates (NCs) para makapagtrabaho ng ayon sa kakayahan nila. May technical, vocational at entrepreneurship courses sila. Kung nais pa nilang magpakadalubhasa, maaari nilang ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo. Sa tulong ng Commission of Higher Education (CHED), magiging sapat ang kaalaman at kakayahan ng isang mag-aaral na nakatapos ng Senior High School, para makapagtrabaho na ng bokasyonal o magnegosyo, o magtuloy ng pag-aaral sa kolehiyo.
May mga maaaring piliin para sa specialization, o "specific tracks” o patutunguhan ng espesyalisasyon:
- Academic (para sa kolehiyo): Accountancy, Business & Management (ABM), Humanities & Social Sciences (HUMSS) Science, Technology, Engineering & Mathematics (STEM), General Academic Strand (GAS).
- Technical-Vocational-Livelihood, ang para sa technical at vocational learning. Kasama ang Home Economics, Industrial Arts, Agricultural at Fishery Arts, Information, at Communications Technology,
- Arts and Design
- Sports
At ang bagong dagdag na Maritime.
Ang K to 12 ang sinasabing naghahanda sa bawat Pilipinong mag-aaral para sa mas mabuting kinabukasan dahil mas matibay ang pundasyon nito. May mga certification na maaaring kunin ang mga mag-aaral sa bawat baitang pagkatapos ng elementarya, na nagsasanay at naghahanda sa kakayahang pang bokasyonal at may specialization, tulad ng Certificate of Competency (COC) sa Grade 9 at 10, halimbawa.
Mabuti nga ba ang mga pagbabago?
Halos 6 na taon na ang nakalipas mula ng sinimulang ipatupad ang bagong sistemang ito sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong Pilipinas. Maraming sumalungat noon pa lamang, ngunit sa ngayon, may karamihan na rin ang may nakikitang kabutihan at positibong resulta ang programang ito.
Ayon sa mga guro at mga mag-aaral na rin na nagsimula na ng K to 12 program sa kanilang mga paaralan, isa sa mga kabutihan nito ay ang pagkakaroon ng mga asignatura at araling praktikal at nagagamit ng mga mag-aaral sa araw-araw na pamumuhay. Ang mga aralin ngayon ay may practical application na, ika nga. At dahil nga mas maraming taon ang pag-aaral at paghahanda, nagiging competitive ang Pilipino kapag nag-aaply sa ibang bansa. Sunod na kasi sa education requirements na pang-international, na higit sa 10 taon, base nga sa programa sa mga mauunlad na bansa.
Para sa mga guro
Para sa mga matagal nang nagtuturo, sinasabi nilang hindi sapat ang panahon ng paghahanda para mapatupad ng tuluyan ang programang ito. Pakiramdam pa rin ng mga guro na napakarami pang problemang at balakid para makamit ang primary goal ng DepEd para sa K to 12 program. “Iba kasi ang nagiging produkto, dahil hindi pa naman handa para sa implementasyon,” kwento ng isang guro na 20 taon nang nagtuturo sa Public School. Hindi daw kumpleto ang mga materyal, wala pang textbooks, at hindi pa makasabay sa requirement ng programa lalo na sa Public school dahil wala namang internet, computer at telebisyon. Kaya ang resulta, hindi pa nila tuluyang nararamdaman ang pagbabago, kahit 6 na taon na itong pinapatupad.
Malayo pa nga siguro ang tatahakin ng programang pang-Edukasyon ng Pilipinas bago tuluyang marating ang ninanais nitong progresibong sistema para sa ating mga kabataan. Marami ang naniniwala na simula ito ng magandang kinabukasan. Kailangan lang talagang paigtingin at pagsikapan ang pagsasaliksik at patuloy na paghahanda para maging mas makabuluhan ang pagbabago.
Source: Official Gazette
READ: Benefits of the K to 12 curriculum to Filipino students